Friday, April 25, 2025

Panganay na anak nina Ninoy at Cory, inindorso si Bam Aquino bilang senador: Marami pa siyang maitutulong




Pormal nang inindorso ni Ballsy Aquino-Cruz – panganay na anak nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino at kapatid ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III – ang kandidatura ng kanyang pinsan na si dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino.

“Sa darating na halalan, muling humihingi ako ng tulong sa inyo. Iyong pagmamahal na ipinaramdam ninyo kay Ninoy, kay Cory, kay Noy at sa buong pamilya namin sa mahabang panahong magkakasama tayo, ang hiling ko po, sana iparamdam natin kay Bam,” wika ni Ballsy sa isang endorsement video.

“Marami pa siyang maitutulong sa ating lahat. Kaya sana po ibalik natin siya sa Senado. Number 5 sa balota, Senator Bam Aquino,” dagdag pa niya.

Ayon kay Ballsy, bata pa lang si Bam – na kilala sa kanilang pamilya bilang Bam-Bam– ay kasama na nila ito sa mga protesta para maibalik ang kalayaan ng bansa kasunod ng pagkamatay ni Ninoy.

“Anim na taong gulang siya noon, galing school, pupunta siya sa mga mini-caucus para humingi ng hustisya sa pagkamatay ni Dad,” wika ni Ballsy.

Tumulong din si Bam sa kampanya ni dating Pangulong Cory sa pagkapangulo.

Aniya, lumaki si Bam dala ang pagiging matulungin sa kapwa, na kanyang ipinagpatuloy bilang youth leader, social entrepreneur, hanggang maging senador.

“Nang maging senador siya noong pangulo si Noy, ang mahihirap at maliliit na negosyo ang kanilang tinutukan. At ipinaglaban niya na maging libre ang edukasyon para sa lahat ng Pilipino. Ngayon, libre na ang kolehiyo!” wika ni Ballsy.

Nagbalik kamakailan si Ballsy sa kanilang bayan sa Tarlac para ikampanya si Bam. Nag-palengke run siya sa Tarlac Public Market sa Tarlac City, kung saan nagpamigay siya ng tarpaulin, sticker at leaflet, at nakipag-usap sa mga tindera at mga namimili ukol sa mga nagawa ni Bam at mga gagawin pa kapag nakabalik sa Senado.

No comments:

Post a Comment