
Nakasama ni AGRI Party-list Representative at tumatakbo ngayong Senador Manoy Wilbert Lee ang mga entertainment reporters mula sa iba’t ibang pahayagan ngayong gabi, Enero 20, kung saan ibinahagi nya ang kanyang mga adbokasiya sa kalusugan, karanasan sa pagiging TV host at mga isusulong na adbokasiya kung palarin sa parating na midterm elections.
Sa isang meet and greet kasama ang media, ibinahagi ni Manoy Wilbert Lee ang mahigit isang taon nyang pakikipaglaban para madagdagan ang mga benepisyo ng PhilHealth mula nang ibulgar niya ang bilyon-bilyong pondo ng ahensya noong Setyembre 2023.
“Sino po ba dito ang may PhilHealth? Nararamdaman ba ninyo yung tulong o naliliitan kayo? Ang gusto natin, dagdagan pa nila at palawakin yung ino-offer nilang mga benepisyong pangkalusugan, hanggang sa dumating ang panahon na kapag member ka ng PhilHealth, para ka na ring may hawak na healthcard,” pahayag ng mambabatas.
“Sa pag-iikot ko, nalaman po natin na ang pangunahing pangamba ng ating mga kababayan ay ang pagkakasakit sa takot na lalong malubog sa kahirapan dahil walang pambili ng gamot at pambayad sa ospital,” dagdag pa niya.
Kwento pa ng Bicolanong mambabatas, umaabot sa 5,000 hanggang 7,000 messages ang natatanggap ng kanilang tanggapan araw-araw sa Facebook para sa medical assistance.
“Tungkulin nating mapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan. Ang gusto nating baguhing kalakaran, hindi na kailangan magmakaawa ng mga Pilipino sa mga politiko para lang makabili ng gamot at makapagpagamot,” sabi ni Lee.
Kung matatandaan, napabalita at naging usap-usapan ang pang-aagaw ni Manoy Lee ng mic sa Kamara habang nasa deliberasyon ng budget ng Department of Health (DOH) noong Setyembre 25, 2024.
Dahil sa nasabing pang-aagaw ng mic at walang tigil na pangangalampag ni Manoy Lee sa DOH at PhilHealth, 95% o mahigit pa ang naitaas na sa coverage ng mahigit 9,000 case rates ng PhilHealth.
Bukod dito, maipatutupad na rin ng PhilHealth ang libreng check-up sa mata, pagpapagawa ng salamin, at operasyon sa katarata, ipinapatupad na ang libreng dialysis, pinalawak na coverage sa pagpapagamot ng breast cancer, pati na ang benepisyo sa pagpapagamot sa mga sakit sa puso at kidney transplant, at sinimulan na rin ang implementasyon ng outpatient emergency care services ng ahensya.
Isang matagumpay na negosyante si Lee bago pumasok sa gobyerno. Mula sa simpleng tindahan na itinayo ng kanyang tatay sa kanilang probinsya sa Sorsogon, napalago niya ito para maging LKY Group of Companies na nasa linya ng food, real estate, mall and town center development at mga hotel, na mayroon nang 3,000 na empleyado sa iba’t ibang panig ng bansa.
Naging host din si Lee sa public service program na “Si Manoy Ang Ninong Ko” na umere sa GMA Kapuso Network mula Marso hanggang Hulyo 2024, kung saan nakasama niya sina Gelli de Belen, Patricia Tumulak at Sherilyn Reyes-Tan.
Nang matanong kung may plano pa siyang bumalik bilang TV host at ang “Si Manoy ang Ninong Ko,” posible pa umano itong bumalik sa ibang platform.
“Pwede po siguro after elections, dahil ipinagbabawal din po ito (habang nasa kampanya). Saka may programa man po tayo o wala, tuloy po ang pagtulong natin,” wika ng mambabatas na tumatakbong Senador.
Nauna nang ipinahayag ni Lee na napakagandang experience para sa kanya na maging bahagi ng programa na nagpapakita ng modern-day bayanihan ng mga Pilipino.
Nagpasalamat din si Manoy sa opportunity at sa inspirasyon na makatulong sa iba’t ibang sektor at komunidad na naabot ng programang “Si Manoy ang Ninong Ko.”
Sa pagtakbo naman bilang Senador, sinabi ni Lee na kalusugan ang tutok ng kanyang kampanya.
“Ang pinagsisikapan natin, libreng gamot at pagpapagamot para sa bawat Pilipino. Sinimulan at ginagawa na po natin ito ngayon sa Kongreso, at kung papalarin, itutuloy natin ito sa Senado. Ang ipinaglalaban ko: Gamot Mo, Sagot Ko! Laban natin itong lahat, samahan nyo po ako,” saad ni Lee.
No comments:
Post a Comment